Friday, April 1, 2011

SANA PISO ULIT ANG PANDESAL

PILIPINAS ba ang Pilipinas kung walang pandesal? PILIPINO ba ako kung di pa ako nakatikim ng isa kapares ang mainit na kape sa agahan? Panederya ba ang JOLAS (bakery sa kanto namin) o ang dieg's o juliet's kung wala silang mainit na pandesal sa madaling araw na malamig na sa hapon? "walang matigas na tinapay sa mainit na kape" pa kaya ang titulo ng pelikulang iyon ni D' King kung walang pandesal? Magtitimpla pa kaya ng tsokolate A ang lola kung wala naman akong mabibiling pandesal kay Jolas? Pa'no naman kaya 'tong kesong puti sa mesa kung wala ang sinisintang si pandesal? Magiging solve ba ang umaga ko kung wala sya?

HINDI!

Sabi sa napanood kong dokumentaryo nung isang araw, galing daw sa mga espaƱol ang konsepto ng pandesal na di naglaon ay naging basehan ng pagka-Pilipino at pagka-makabansa. Naging simbolo na rin ito ng Pilipinas, ang tahanan umano ng magigiting.

Paano na? Paano ko na mailalarawan ang Pilipinas kung kakuntil nalang ang dalawang pisong pandesal na nabili ko kay 'pepot'?

Maliit, matabang, ampaw, malamig, matigas at mahal. Ganun ba? Masakit sa taenga. Gusto kong mapamura! Ganito na ba ang Bayan kong Sinilangan na Perlas ng Silangan at tahanan ng aking lahi?

Kayumanggi ako, kulay lupa din ang bilog ng aking mga mata, di man ako kaliitan, Pilipino ako at pinagmamalaki ko 'yun -- DATI. Di naman sa kinahihiya ko, ayaw ko na nga lang ipamukha dahil mahirap na'ng mahusgahan dahil sa itsura, lasa at presyo ng pandesal na kinakain ko.

Malimit sa hindi, magiging basehan ako ng mga taga kanluran dahil nakarami na ako ng pandesal. Pati ang pilantik ng dila ko'y magaan ding huhusgahan, pangmahirap lang kasi ang pandesal at sa Pilipinas lamang matatagpuan. Kesyo Pilipinas daw ang kinalakihan ng mga unggoy at pangawala sa buong mundo na bansang may pinakamaraming buwaya (hihintayin ko pa bang manguna?), isa pa isa raw ito sa mga pinakamaruruming bansa, nangangahulugan ba itong bulok din ang sistema?

Siguro.

Sa mga nangyayaring patayan, mga nabubunyag na kurakot at mga nakawan, gusto ko ng maniwala. Minsan nga'y ayaw ko nang manuod ng mga balita sa TV, kasi naman puro negatibo. Tulad ng:

Si Pedro natagpuang patay sa tama ng bala sa ilog Pasig.

Kinar-jack ang kotse ng kilalang personalidad.

Ginahasa umano si Nene ng amang drug adik.

Binulsa ng mga nanunungkulan ang badyet para sa mahihirap.

Natupok ng sunog squatter's area sa Maynila.

Krudo nagtaas nanaman sa world market!

Hindi ba pwedeng:
taksi drayber nagsoli ng 2.5M halaga ng tsekeng naiwan sa pinamaneho nya.

Isang aleng naghatid ng batang milyonaryong kinidnap.

Isang grupo ng mga estudyante nakaimbento ng 'time machine'

Pilipino panalo sa American Idol

Pilipinas nangunguna sa SEA games

OFW milyonaryo na!

Pandesal, piso na ulit!

Sawa na ang tenga ko sa mga basurang naririnig ko sa radyo, sa TV, pati na din sa mga tsismisan sa dyip.

Wala na bang iba?

Mananatili na lang bang ganito ang pandesal kay Jolas? O magiging mas maliit, matabang, ampaw, malamig, matigas at mas mahal pa?

Kung oo, nakakahiya naman sa kanila! Nakakahiya naman ang mga Pilipino!

Sana may magawa ako para hindi na, sana may tumulong sa akin upang hindi na, sana malasap ko ulit ang pandesal ng nakaraan, presko, malinis, masarap at kampante akong kakasya ang limang piso para mabusog ang malaki kong tyan.

Sana maging maayos na, at nang muli kong maipangalandakan ang kulay ng aking balat at ang hugis ng aking ilong.

Sana tumino na ang dapat tumino, mangalis sa bulsa ang mga nappapakapal nito at pati sa masama'y nagiging sanay at wala na'ng konsensya na ultimo NFA rice ay tinutubuan pa.

Sana'y dumami na ulit ang mga puno sa nakakalbong bundok Arayat, at wala ng kakain ng bayawak dahil may ulam nang iba.

Sana'y pitong-pu't pitong pursyento ng balita sa radyo at telebisyo ay ukol sa kabayanihan, katapatan at pagtutulungan.

Sana'y di na kailangan mangibang bansa ng mga nanay at tatay ng mga musmos upang may sapat na pangtustos para sa kanilang magandang kinabukasan.

Sana'y may kumpletong libreng gamot na sa health center ng aming barangay.

Sana'y maging panatag na ang mga gabi ng mga tao sa Mindanao.

Sana'y magkaroon ng pagkakaintindihan ang mga muslim at kristyano na igalang na lamang ang paniniwala ng bawat isa at upang magkaroon ng pagkapantay-pantay at pagkakaisa.

Sana'y maayos na ang mga kanal upang hindi na matakot sa baha.

Sana'y alam ng mga tsuper ang batas trapiko ng sa gayon ay maayos ang daloy nito. Nawa'y maayos na rin ang mga bako ng mga kalsada, pati na rin ang pailaw sa poste at wala nang mangongotong na pulis trapiko.

Sana'y dumami pa ang mga call centers para magbigay ng trabahong may mainam na sweldo sa mga high school gradweyt na matatas sa ingles.

Sana'y makangiti na ng tunay na ngiti ang mga kababayan ko.

Sana'y abot-kaya ang presyo ng mga paborito kong ulam at pati na ang maputing kanin sa hapagkainan.

Sana'y mapag-ibayo ang paniniwala sa Diyos at pagtitiwala sa kapwa tao.

Sana'y nakangiti kong lalantakan ang PANDESAL.

Sana. Sana..

No comments:

Post a Comment